Payak ang laman ng kwento at hindi pulido ang pagkakasalaysay dito. Kadalasan hindi na kapani-paniwala ang nangyayari kaya’t mahirap makuha ang damdamin ng mga manunuod. Maraming eksenang hindi kailangan o pinahaba upang pigain ang katatawanan o drama. Ang pinaka nakakatawa ay ang paglalagay ng kantahan sa dulo ng pelikula. Sa dami ng kailangang bigyan ng “moments” sa pelikula ay sala-salabat na ang pagkwekwento at hindi mo malaman kung ang tuon ay nasa pagiging ina ni Eden, away nina Lily at Rose o problema sa mga anak. Kung tutuusin, maaring tabasin ang pelikula at ipalabas sa loob ng isang oras lamang. Sayang ang galing ng pagganap ng mga tauhan at husay ng teknikal na aspeto. Dahil isununod ang pamagat ng pelikula sa Mano Po na isang pagdiriwang ng mga tradisyon ng mga pamilyaang Filipino-Chinese, ang Bahay Kubo ay dapat sanang magpakita naman ng mga likas na tradisyon ng pamilyang Pinoy, subalit hindi natupad dahil sa dami ng mga maliliit na kwento at di maayos na pagkakasalaysay.
May magandang mensahe ang pelikula: ang halaga ng pamilya. Ang pagkakaisa, pagtutulungan at pagmamahalan ng pamilya sa isa’t isa ang kaganapanan sa panahon ng kasiyahan at katiwasayan at ang takbuhan sa panahon ng kalungkutan at pagsubok. Ipinakita rin kung gaano katindi magmahal ang isang ina na handang magsakripisyo at magpatawad ng mga anak anumang oras at gaano man kalaki ang pagkakamali nito. Ang pamilya, ayon sa kwento, ay hindi lamang magulang at anak, kundi pati na rin ang mga ampon, matatalik na kaibigan at ang bawat isang kabilang sa mga karanasan, pagsubok at tagumpay. At lalo sa pamilyang Pinoy kung saan ang mga lolo at lola ay patuloy na inaalagaan, iginagalang at pinapapisan kahit na nag-asawa na ang mga anak at may sarili na itong buhay. Magandang halimbawa ang pamilya ni Eden na nanatiling mapagmahal sa hirap at ginhawa. At kahit dumating ang matitinding pagsubok sa magkakapatid ay alam pa rin nila na mas mahalaga ang manatiling tapat at nagtutulungan. Kapuri-puri rin ang gawain ng pamilyang mapasalamat sa lahat ng biyaya, maliit o malaki, na ipinakita sa lagi nilang pagdarasal bago magsalo-salo sa pagkain, naroon man sila sa bahay kubo o sa bahay na bato. Sayang nga lamang at ang magagandang aral na mga ito ay natabunan ng hindi masyadong magandang daloy ng pelikula.
|